Pinuri at ibinida ni Sen Grace Poe ang maayos na serbisyo ng More Electric and Power Corporation (More Power), ang distribution utiity sa Iloilo City, na sa loob lamang ng 3 taon mula nang mabigyan ng legislative franchise ay nagawang maresolba ang malaking problema sa brownouts at mataas na singil sa kuryente sa lalawigan.
Ang pagbida sa More Power ay ginawa ni Poe sa joint investigation ng Senate Committee on Energy at Committee on Public Services kaugnay ng malaking problema sa brownout na nararanasan sa iba’t ibang bahagi ng bansa bunsod ng mababang uri ng pamamalakad ng mga electric cooperatives.
Ayon kay Poe, ang pagpasok ng mga private players gaya ng More Power ang siyang susi para mapabuti ang power service at maiwasan na ang paulit-ulit na brownout.
“Kung mas malaki ang capitalization ng private sector at meron silang responsibilidad sa kanilang mga shareholders, mas maayos ang serbisyo nila. Doon sa Iloilo City, nang ma-approve ang franchise ng More Power, mas naging maayos ang serbisyo,” pahayag ni Poe na siyang chairman ng komite.
Taong 2020 nang magsimulang mag-operate ang More Power at sa ikatlong taon pa lamang ng kanilang operasyon ay halos patapos na ang kanilang five-year development plan para sa pagpapabuti ng serbisyo sa buong probinsya.
Sinabi naman ni More Power President and Chief Executive Officer Roel Castro na buhat nang i-takeover ng kompanya ang power supply sa lungsod mula sa Panay Electric Company(PECO) ay nakapag-invest na sila ng P1.5 bilyong halaga ng investments na nakatuon para sa modernisasyon ng power distribution facilities.
Kabilang sa pinalitan ng More Power ay ang mga luma at sira-sirang electric meters, mga kahoy na electric poles, pag-upgrade ng mga transformers, rehabilitasyon ng mga substations at pagtatayo ng mga bagong transmission at switching stations.
Bunga ng modernisasyon na ipinatupad ng More Power ay nabawasan ng 90% ang power interruptions, naiwasan ang overloading at illegal connections na nagresulta sa pagbaba ng system loss na ipinapasa sa mga consumer habang ang response time sa mga consumer complaints ay agad din natutugunan sa loob lamang ng 10 hanggang 15 minuto at bumaba ang singil sa kuryente.
Samantala, sinabi ni Castro na dahil sa modernisasyon sa distribution facilities ay ang singil sa kuryente sa Iloilo City ang isa sa pinakamababa sa buong bansa.
“More power has invested over a billion pesos to deliver on its commitment to bring about welcome changes in the electric service in terms of efficiency, sufficiency and reliability,” wika ni Castro.
Una nang sinabi ni City Mayor Jerry Treñas na consumer friendly ang serbisyong hatid ng More Power.
“More [Power] delivers good service to Iloilo City and they work very closely with us, very consumer-friendly. More Power has an excellent Corporate Social Responsibility. Very happy and satisfied customer of More Power,” pagtatapos pa ni Treñas.