Muling tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mayroong nakahandang tulong para sa mga nawalan ng tirahan dahil sa Typhoon Egay.
Katunayan, sinabi ni PBBM na tinutukoy na ngayon ng pamahalaan ang mga pamilya na nasira o tuluyang nawasak ang bahay.
“Hinahanap naman namin para makapagbigay ng assistance lahat ng partially damaged ang bahay, mga totally damaged mas mahirap dahil talagang tatayuan pa natin sila ng bahay. That’s the problem now,” ayon sa Pangulo.
Ayon kay Pangulong Marcos, para sa mga nasira ang tahanan, mayroong emergency support na gagawin ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at ang National Housing Authority (NHA) para sila ay matulungan.
Aniya, magbibigay ang gobyerno ng construction materials sa mga biktima para matulungan sila na muling maitayo ang kanilang tahanan.
Sinasabing mayroon pa ring mga pamilya na nananatili sa mga evacuation centers sa Northern Luzon.
Maliban dito, siniguro rin ng Presidente sa mga biktima ng bagyong Egay na mamadaliin ng gobyerno ang ginagawa nitong rehabilitation efforts.