Sinisi ni Atty. Harry Roque, pribadong abogado ng pamilya Laude ang mga public prosecutors nang mahatulan sa kasong homicide sa halip na murder si US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.
Ayon kay Roque, may tatlo pa silang iniaalok na testigo upang mapabigat pa ang kaso laban kay Pemberton subalit tumanggi ang mga public prosecutors na iharap ang mga ito sa korte.
Maliban dito, humihingi rin aniya sila ng panibagong autopsy sa labi ni Jeffrey “Jennifer” Laude upang patunayang patraydor itong pinatay at ginamitan ng sobrang dahas na kasama sa elemento ng kasong murder.
“Kaya masama ang loob ko hindi lang dahil mababa yung penalty na na-impose pero dahil din ang mga piskal, dahil ayaw makipagtulungan sa amin, may tatlong ebidensiya na ini-offer namin na hindi ginamit so parang kung ako lang ang nasunod lalong-lalo na dun sa isyu ng abuse of superior strength sapul na sapul, na ang sinabi ng korte na kinakailangan ng expert witness pagdating doon sa anyo ng mga transgender.” Pahayag ni Roque.
Pagbawi sa desisyong ikulong si Pemberton sa Bilibid
Samantala, binatikos naman ng pamilya Laude si Judge Roline Ginez-Jabalde ng Olongapo City RTC matapos bawiin ang kanyang desisyon na ipadiretso sa New Bilibid Prison (NBP) si US Marine Lance Corporal Lance Joseph Scott Pemberton.
Si Pemberton ay matatandaang hinatulang makulong ng anim hanggang labing dalawang taon sa kasong homicide dahil sa kanyang pagkakapatay kay Jeffrey “Jennifer” Laude”.
Ayon kay Malou Laude, kapatid ni Jennifer, tinanggap na nila na nahatulan lamang si Pemberton sa kasong homicide sa halip na murder subalit mahirap tanggapan ang pagiging sunud-sunuran aniya ng gobyerno sa anumang sabihin ng Amerika.
Matatandaan na matapos mahatulan ng guilty si Pemberton, agad naghain ng clarificatory motion ang abogado nito hinggil sa pagdadalhang kulungan kay Pemberton.
Dahil dito, nagpasya ang judge na ipadala muna si Pemberton sa AFP Custodial Center hanggang sa makabuo ng memorandum of agreement ang Visiting Forces Agreement Commission hinggil sa kung saan dapat ikulong si Pemberton.
“Imaginin mo, isang buwan mong pinag-isipang mag-desisyon at ibigay yung order na yun, tapos ilang oras lang, ilang minuto lang nabago mo dahil sa mga US Marines. Parang, buong mundo alam na nagbigay ka ng order tapos ayaw lang ng mga US Marines, pumayag ka kaagad, parang ganun na lang ba tayo kasunud-sunuran sa kanila?” Pahayag ni Laude.
By Len Aguirre | Ratsada Balita | Balitang Todong Lakas