Nagpahayag ng pagkilala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa tagumpay ng Western Command ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagbabantay sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay PBBM, mahalaga at mahirap ang responsibilidad na nakaatang sa WesCom.
Sa kanyang mensahe sa Talk to Troops sa Western Command Lawak Gymnasium sa Palawan, binanggit ng Pangulo na pinakamahalagang bahagi ng responsibilidad ng WesCom ay ang idepensa ang sovereign territory ng Pilipinas.
Iginiit ng Presidente na sa kabila ng mas maliit na pwersa ng Pilipinas sa pinag-aagawang teritoryo ay nagagampanan ng AFP Western Command ang tungkulin nitong panatilihin ang kapayapaan sa lugar.
“Kahit papaano, doon sa maliit nating puwersa, in comparison doon sa mga ibang nakakatagpo natin doon sa West Philippine Sea ay kahit na maliit lang ang naihaharap natin na puwersa ay maganda naman ang nagiging resulta dahil kahit papaano ay nagagawa natin na nagiging maliwanag,” ayon sa Pangulo.
Kasabay nito, tiniyak din ng Pangulo ang patuloy na suporta ng pamahalaan sa militar, katuwang ang local government ng nasabing lalawigan.