Ipinatitigil na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpapatupad ng Executive Order No. 39 o ang pagpataw ng price cap sa bigas.
Sa isang panayam sa Taguig City, kinumpirma ng Pangulo ang pagtigil sa price cap matapos nyang pangunahan ang pamimigay ng libreng bigas sa mga mahihirap na pamilya.
Tiniyak naman ng Pangulo na tuloy pa rin ang ayuda sa mga magsasaka at mahihirap na pamilyang Pilipino.
“As of today, we are lifting the price caps on the rice both for the regular milled rice and for the well-milled rice,” ani Pangulong Marcos.
“So tinatanggal na natin ‘yung mga control. Pero hindi ibig sabihin basta’t ganoon na lang dahil kailangan pa rin natin ayusin ang agricultural sector,” dagdag niya.
Ayon naman kay Social Welfare Secretary Rex Gatchalian, magpapatuloy pa rin ang food stamps program ng DSWD para sa natukoy na isang milyong mahihirap na Pilipino at pagbibigay ng tulong sa mga individual for crisis situations para makabili ng pagkain.
Matatandaan na naglabas ang Palasyo ng Executive Order No. 39 at itinakda ang price cap sa ₱41 para sa regular milled rice kada kilo at ₱45 naman para sa well-milled rice.