Mula July 1, 2022, nakasabat na ang Anti-Illegal Drug Campaign ng kasalukuyang administrasyon ng higit sa 7.4 tons ng banned substances. Base ito sa inilabas na datos ng House of Representatives’ Committee on Dangerous Drugs noong October 9, 2023.
Ayon sa Chairman nito na si Surigao del Norte representative Robert Ace Barbers, umabot sa 30 billion pesos ang kabuuang halaga ng nasabat na droga. Sapat na raw ito para mapondohan ang election campaign ng drug lords.
Matatandaang kontrobersyal ang naging war on drugs ng nakaraang administrasyon, kaya ngayon, isinusulong ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. Ang panibagong mukha ng Anti-Illegal Drug campaign.
Ano nga ba ang ginagawang aksyon ni Pangulong Marcos para masolusyunan ang isyu sa paggamit ng ilegal na droga sa bansa?
Tara, suriin natin yan.
July 24, 2023 sa kanyang ikalawang State of the Nation Address o SONA, inanunsyo ni Pangulong Marcos na tuloy pa rin ang kampanya laban sa ilegal na droga. This time, nakatuon na ito sa community-based treatment, rehabilitation, at education para maiwasan at mapigilan ang paggamit ng bawal na gamot.
Bilang parte ng Anti-Drug Campaign, inilunsad ang programang Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan o mas kilala bilang BIDA Program noong November 26, 2022. Nagpatayo rin ang pamahalaan ng Balay Silangan Reformation Centers sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Itinuturing na sanctuary at supportive environment ang treatment at rehabilitation centers kung saan makakatanggap ng compassion, healing, at recovery ang mga apektadong kababayan natin.
Inaasahan ang local government units o LGUs na magpatupad ng consistent, year-round programs, projects, at activities na kaugnay sa initiative ng BIDA Program.
Sa kabilang banda, tiniyak ni Pangulong Marcos na wala ring lusot ang mga pulis at iba pang law enforcers sa Anti-Illegal Drug Campaign. Aniya, hindi siya magdadalawang-isip na tanggalin ang mga mapapatunayang na sangkot sa ilegal na droga.
Para kay Rep. Barbers, fruitful ang anti-illegal drug campaign ng Administrasyong Marcos. Ayon nga sa pahayag ni Pangulong Marcos noong September 28, 2023, whole-of-nation approach ang kinakailangan para tuluyang mawala ang paggamit ng ilegal na droga. Sa pamamagitan ng prevention, treatment, rehabilitation, at law enforcement, maaaring masolusyunan ang isyu ng ilegal na droga sa Pilipinas nang hindi kinakailangang gumamit ng karahasan.