Nagbunga ng masaganang ani ngayong wet season ang pamimigay ng libreng binhi, pataba, at training ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga magsasaka sa barangay pinili, San Jose City, Nueva Ecija.
Ayon sa Chairman ng Binabuyan Farmers’ Association na si Fernando Salvador, dahil sa mahusay na pag-aalaga sa kanila, nakaani sila ng mahigit isandaang kaban ng palay kada ektarya na mas marami kumpara sa mga nakaraang taon.
Iniugnay ni Salvador at ng kanyang mga kapwa magsasaka ang magandang ani ngayong taon sa tulong ng Department of Agriculture na pinapangunahan ni Pangulong Marcos.
Dagdag pa ni Salvador, lubos na nagpapasalamat ang asosasyon sa walang sawang tulong at gabay ng Pangulo sa kanilang mga magsasaka.
Ayon sa Philippine Rice Information System, inaasahan na makakapag-ani ang mga magsasaka ng Nueva Ecija ng halos 533,000 metric tons ng palay ngayong Oktubre at tinatayang 153,000 metric tons naman sa Nobyembre.