Ikinatuwa ng mga grupo ng magsasaka ang masaganang ani ng palay ngayong tag-ulan dahil sa libreng buto, punla at teknikal na suporta na ipinamahagi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tumatayong Secretary of Agriculture.
Pasasalamat din ang ipinaabot kay Pangulong Marcos nang kanyang tiyakin na mananatiling “top priority” ang pagpapalakas ng agricultural productivity, kaakibat ng kanyang pangarap na hindi na iaasa ang Pilipinas sa import ang suplay ng pagkain nito.
Ayon kay Fernando Salvador at kanyang mga kapwa magsasaka sa San Jose City, Nueva Ecija, mahigit isang daang cavan kada ektarya ang kanilang naani ngayong Oktubre, na mas marami kumpara sa mga nakaraang taon.
Sa kabuuan, itinala ng Department of Agriculture o DA na aabot sa 532,980 metric tons ng palay ang maaani ngayong Oktubre sa lalawigan ng Nueva Ecija, at 153,000 metric tons naman sa Nobyembre.
Lalo pang ikinatuwa ng mga magsasaka ang naging pahayag ni Pangulong Marcos sa 70th Founding Anniversary ng Federation of Free Farmers o FFF na naglagay ang DA ng P4.73 bilyong pondo para sa mechanization at modernization ng sektor ng agrikultura.
Nauna rito, tiniyak ni Pangulong Marcos na palalakasin ng pamahalaan ang iba’t ibang asosasyon at kooperatiba ng mga magsasaka para mabigyan sila ng iba’t ibang oportunidad sa kanilang mga miyembro.
Matatandaan na hinikayat ni Pangulong Marcos ang mga maliliit na magsasaka na sumali upang mas mapalawak at mapalakas ang ng pamahalaan ang lokal na produksyon ng bigas.
Para sa Pangulo, mas madaling maabot ang bawat Pilipinong magsasaka kung may lider na magrerepresenta sa kanila sa pakikipag-usap sa pamahalaan.
Inihayag din ng Pangulo na sa social reform at rural development sa bansa ang naging prayoridad ng kanyang ama, si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr., para isulong ang kapakanan ng FFF.