Inirekomenda ng Bureau of Customs (BOC) na sampahan ng smuggling si dating Land Transportation Office (LTO) Chief Virgie Torres at ang business partner nito na si Philip Sy.
Lumabas sa imbestigasyon ng Intelligence Group ng Customs na sangkot si Torres sa smuggling ng milyun-milyong pisong halaga ng asukal.
Idiniin si Torres ng 2 opisyal ng IG na sina Willie Tolentino at Major Jovily Carmel Cabading kung saan malinaw umanong sinabi ni Torres na sa kanya at sa partner niya ang nasabat na kontrabando.
Nakalagay din sa report na bagamat malinaw na ginamit ni Torres ang kanyang reputasyon bilang malapit na kaibigan ni Pangulong Noynoy Aquino, hindi umano siya maaaring kasuhan ng influence peddling.
Wala kasing nakalagay sa batas na nagpaparusa sa pribadong indibidwal na sangkot sa influence peddling.
Matatandaang noong Setyembre nang makunan ng CCTV ang pagpasok ni Torres sa BOC at sunod na dumating si Sy.
Pakay umano ni Torres na aregluhin sa Customs ang release ng kontrabandong mahigit 60 container ng smuggle ng asukal.
By Meann Tanbio