Planong buhayin ng newly-appointed secretary ng Department of Agriculture na si Francisco Tiu Laurel Jr. ang Masagana 99 program ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Naniniwala ang kalihim na sa pagbuhay ng programang ito, mas magiging matatag ang produksyon ng bigas at maiaangat ang kabuhayan ng mga Pilipinong magsasaka.
Matatandaang noong July 21, 2022, inanunsyo ng agriculture department na pinangunahan noon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang posibilidad na ipatupad ang programang katulad ng sa kanyang ama.
Noong May 21, 1973, inilunsad ni dating Pangulong Marcos Sr. ang Masagana 99 program. Isa itong rice production program na layong magbigay ng solusyon sa nationwide rice shortage sa Pilipinas. Sa ilalim ng Masagana 99, mayroong inaalok na cheap loans para sa mga Pilipinong magsasaka upang matulungan sila sa produksyon ng bigas. Target nitong pataasin ang ani ng mga magsasaka mula 40 na kaban ng bigas kada ektarya hanggang 99 na kaban na siyang pinanggalingan ng pangalan ng programa.
Bukod sa pautang, binigyan din ang mga magsasaka ng access sa teknolohiya, price support sa bigas, at panustos para sa pataba.
Naging matagumpay sa una ang Masagana 99 program dahil lumago ang produksyon sa bigas. Dumating pa nga sa punto na naging exporter ng bigas ang Pilipinas. Sa kasamaang-palad, nabigo ito dahil sa hindi pagbabayad ng utang ng iba, kaya naman ipinatigil ito noong 1984.
Ayon kay Isabela 1st district Representative Antonio Albano, bumagsak ang nasabing programa dahil sa pseudo-farmers o mga pekeng magsasaka na nanamantala sa programa. Tiniyak naman niyang hindi papayagan ni Pangulong Marcos Jr. ang pagkakaroon pseudo-farmers kung ipatupad man muli ito. Sisiguraduhin din ng mga bangko na mapupunta ang pautang sa mga totoong magsasaka upang matulungan silang magkaroon ng mas masaganang ani.
Sa ngayon, pag-uusapan nina Secretary Laurel at Representative Albano ang posibleng pagpapatupad muli ng Masagana 99.
Maraming direktiba at programa si Pangulong Marcos Jr. para kontrolin ang presyo ng pagkain, partikular na ng bigas. Makikitang epektibo ang mga ito dahil sa pagbaba ng inflation rate sa 4.9% noong October 2023 mula sa 6.1% noong nakaraang buwan.