Isa ka ba sa mga laging babad sa internet?
Ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT), as of June 2023, 83% ng mga Pilipino ay internet users. Hindi nga lang lahat, maayos na nakakagamit ng internet, lalo na sa mga nasa liblib na lugar.
Pero huwag mag-alala dahil ayon kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., malapit nang magkaroon ng satellite ang Pilipinas na magpapahusay sa internet connection ng mga nasa malalayong lugar.
Ito ay matapos lagdaan ang isang kasunduan na maglulunsad ng internet satellite sa bansa. Ang unang internet satellite ay opisyal na tatawaging Agila.
May malalim na kahulugan ang pagpili ng pangalang Agila para sa unang satellite na dedicated sa pag-improve ng connectivity sa kasuluk-sulukan ng bansa.
Ayon kay Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez, mapalalakas ng Agila ang technological advancements at international partnerships ng bansa.
Naging posible ang pagkakaroon ng internet satellite sa Pilipinas dahil sa kolaborasyon ng Astranis at Orbits na maglunsad ng MicroGEO satellites. Ang Astranis ay isang American company na gumagawa ng small and low-cost telecommunications satellites upang makapagbigay ng internet access sa remote areas. Ang Orbits Corp. naman ay sister company ng local internet service provider na HTechCorp. Isa ring satellite services provider ang Orbits na mayroong 20 years of experience sa pagpro-provide ng internet services para sa mga Pilipino.
Sa naturang partnership, itatalaga ng Astranis at Orbits ang unang dalawang internet satellites para sa Pilipinas. Nakatakdang ilunsad sa 2024 ang satellite, kasama ng apat pang karagdagang satellites mula sa Astranis.
Ayon kay Pangulong Marcos, makapagdadala ito ng internet sa unserved and underserved areas sa bansa. Inaasahan ding makakakalap ito ng $400 million investment over the next eight years.
Sa MicroGEO satellites, makikinabang ang higit 30,000 barangays at 10 million internet users. Inaasahan ding makalilikha ito ng mahigit 10,000 jobs para sa direct at indirect employees and partners.
Sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) noong July 24, 2023, ipinahayag ni Pangulong Marcos ang commitment niyang ma-improve ang internet sa bansa. Sa pagkakaroon ng internet satellite, mapagkokonekta na ang mas maraming Pilipino sa kabila ng hiwa-hiwalay na pulo ng Pilipinas.