Nag-deploy ang Philippine National Police ng 9,000 na pulis at 920 na mobility assets para sa mga komyuter ngayong araw kaugnay ng gaganaping transport strike mula Nobyembre 20 hanggang 22.
Kaugnay nito, ipinahayag ni PNP Public Information Office Chief Col. Jean Fajardo na nakikipagtulungan na sila sa Inter-Agency Committee na pinangungunahan ng Metropolitan Manila Development Authority at iba pang ahensya upang paghandaan ang malawakang tigil-pasada.
Pinayuhan naman ni P.I.O. Chief Col. Fajardo ang miyembro ng grupong PISTON na huwag mang-harass ng ibang PUV drivers na pipiliing mag-operate sa panahon ng strike.
Magsasagawa rin ang PNP ng foot, mobile, motorcycle at checkpoint patrols upang maiwasan at pigilan ang anumang ilegal na aktibidad na maaaring mangyari sa kaganapan.