Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kailangan ang pagtutulungan ng Pilipinas at Estados Unidos sa lumalalang tensyon sa West Philippine Sea.
Sa isang roundtable meeting, kinilala ng Pangulo ang Estados Unidos bilang pinakamatagal, pinakatradisyunal, at nag-iisang treaty partner ng Pilipinas.
Aniya, mapapanatili ng partnership ng dalawang bansa ang kapayapaan sa naturang resource-rich region.
Dagdag pa ng Pangulo, kinakailangang makipagsosyo ng Pilipinas sa mga kaibigan at kaalyadong bansa upang maresolba ang isyu sa South China Sea.
Nanindigan din si Pangulong Marcos na hindi kailanman ibibigay ng Pilipinas ang kahit isang pulgada ng teritoryo nito sa sinumang makapangyarihang dayuhan.
Kaugnay nito, sa sidelines ng ginanap na 2023 Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit, binanggit ni Pangulong Marcos kay Chinese President Xi Jinping ang pagkabahala nito sa lumalalang agresyon ng Beijing sa West Philippine Sea.
Dito, idiniin niya ang karapatan ng mga Pilipino na malayang makapangisda sa sarili nitong teritoryo.