“I have said before, and I will say again, the Philippines will not give up a single square inch of our territory to any foreign power.”
Ito ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ginanap na Daniel K. Inouye Speaker Series at the Asia-Pacific Center for Security Studies sa Honolulu, Hawaii nitong November 19, 2023 tungkol sa isyu sa West Philippine Sea (WPS).
Kaugnay nito, sa sidelines naman ng 2023 Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit noong November 18, 2023, binanggit din ni Pangulong Marcos kay Chinese President Xi Jinping ang pagkabahala nito sa lumalalang agresyon ng Beijing sa WPS.
Dito, idiniin niya ang karapatan ng mga Pilipino na malayang makapangisda sa sarili nating teritoryo.
Para kay Pangulong Marcos, malinaw ang batas. Base sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), may sovereign rights and jurisdiction ang Pilipinas sa exclusive economic zone nito sa South China Sea. Noong July 12, 2016 naman, ibinigay sa Pilipinas ang unanimous award ng Permanent Court of Arbitration kung saan hinatulan na eksklusibo sa bansa ang lahat ng yamang-dagat na matatagpuan sa WPS. Kahit hindi ito tanggap ng China, final at legally binding ito ayon kay National Security Adviser Eduardo Año.
Upang mapanatili ang kapayapaan at magkaroon ng resolusyon sa isyu sa WPS, mahalaga ang pakikipag-partner ng Pilipinas sa ibang kaalyado at kaibigang bansa. Kabilang na dito ang Amerika.
Ayon sa Pangulo, Amerika ang oldest and most traditional partner ng Pilipinas. Dagdag pa niya, Amerika rin ang nag-iisang treaty partner ng bansa.
Pinasalamatan naman ni Pangulong Marcos ang pamahalaan ng Amerika at iba pang bansa na nagpahayag ng suporta sa posisyon ng Pilipinas sa WPS.
Samantala, tinalakay naman nina Pangulong Marcos at Chinese President Xi ang fishing rights sa South China Sea. Napag-usapan nila ang pagbalik sa sitwasyon kung saan nakakapangisda nang magkasama at mapayapa ang mga Chinese at Pilipinong mangingisda. Nagkasundo naman ang dalawang lider na hindi sumasalamin ang problema sa WPS sa kanilang relasyon.
Para kay Pangulong Marcos, work in progress ang pagresolba sa mga isyu sa WPS. Sa patuloy na komunikasyon at pagiging tapat, maayos na masosolusyunan ang problema sa WPS hangga’t may sinseridad ang dalawang bansa na panatilihin ang kapayapaan.