Naniniwala ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na makatutulong sa kapayapaan ng bansa ang pagbibigay ng amnestiya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga dating miyembro ng mga rebeldeng grupo.
Ayon kay AFP spokesperson Colonel Medel Aguilar, mayroon na lamang mahigit 1,000 miyembro ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF). 400 dito ang nahaharap sa mga kaso.
Aniya, ang paggawad ni Pangulong Marcos ng amnestiya ay nasa tamang panahon dahil kasabay nito, nakikita umano ang paghina ng CPP-NPA.
Bukod sa CPP-NPA-NDF, matatandaang ginawaran din ng Pangulo ng amnestiya ang mga dating miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), Moro National Liberation Front (MNLF), at Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas/Revolutionary Proletarian Army/Alex Boncayao Brigade (RPMP-RPA-ABB).
Samantala, nilinaw naman ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro na nananatiling alerto ang pamahalaan laban sa terorismo at extremism sa kabila ng amnestiya.