Pina-plantsa na ang labanan sa bidding ng mga election technology company para sa 2025 Midterms elections.
Inihayag ito ni Senator Imee Marcos matapos kumpirmahin ng COMELEC na nakatakda na nilang hatulan kung papayagan pa ang Smartmatic na sumali sa bidding sa paparating na halalan.
Ayon kay Senador Marcos, bubuksan na ng pamahalaan ang pinto upang makalahok sa bidding ang iba pang IT provider, hindi lamang ang Smartmatic.
Gayunman, aminado si Senador Marcos na problema sa ngayon ay ang naturang kumpanya lang ang kuwalipikado sa ilalim ng dalawang probisyon ng batas.
Tiniyak ng senador na ginagawan na nila ng paraan para makalahok ang mga Pilipinong IT provider at hindi i-monopolyo ng ‘smartmagic’ ang halalan.
Binabaklas na rin aniya ang kontrata sa public bidding para sa procurement ng bagong vote counting machines sa 2025 polls.
Una nang inihayag ng poll body na maglalabas sila ng resolusyon kaugnay ng mga petisyon laban sa Smartmatic dahil sa kabiguan nitong maabot ang ‘minimum capabilities’ kaya’t nagkaroon umano ng iregularidad sa transmission at resibo ng mga boto noong May 2022 National elections.