Isa ka ba sa mga babad lagi sa TikTok? Hindi nakapagtataka kung oo dahil ayon kay Tiktok Chief Executive Officer (CEO) Shou Zi Chew, halos 50 million ang gumagamit ng video-sharing social media platform na ito sa Pilipinas. Alam mo bang ayon sa pag-aaral ng Sortlist, ang average Filipino user ay gumagamit ng TikTok for six days and 16 hours a year?
Ito ang nais i-take advantage ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. kaya naman bumuo siya ng partnership sa TikTok upang palakasin ang micro, small, and medium enterprises (MSMEs) sa bansa.
Sa sidelines ng 2023 Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit noong November 17, 2023, nakipagkita si Pangulong Marcos kay TikTok CEO Chew kung saan nabuo ang kanilang partnership.
Sa pamamagitan ng edutainment, tuturuan ang mga maliliit na negosyante at small scale sellers na maibenta ang kanilang mga produkto sa mas malawak na merkado.
Literal na tumutukoy ang edutainment sa pinagsamang education at entertainment. Hindi ba mas madaling matuto kung at the same time, naaaliw ka? Kaya naman nais ni Pangulong Marcos na i-train ng TikTok sa ganitong paraan ang local sellers, partikular na ang mga nasa rural areas, upang i-promote ang kanilang mga produkto.
Ayon kay Chew, gusto nila sa TikTok na i-highlight ang mga lokal na produkto mula sa mga maliliit na negosyo. Aniya, ginagawa na ito ng TikTok sa Vietnam, Indonesia, at Malaysia kung saan binibigyan nila ng platform ang sellers na magbenta at mag-export ng kanilang mga produkto saanmang bahagi ng mundo. Ipinahayag naman ng TikTok CEO ang excitement nitong mabigyan ng edutainment ang mga maliliit na negosyante sa Pilipinas.
Matatandaang noong April 2022, inilunsad ang TikTok Shop. Ito ang e-commerce section ng social media platform na ito kung saan maaaring mag-browse at bumili ang users ng mga produktong nakikita nila sa videos.
Biggest market sa labas ng Amerika ang Southeast Asia dahil sa 325 million monthly active users nito. Sa katunayan, noong nakaraang taon umabot ng $4.4 billion ang Gross Merchandise Value (GMV) ng TikTok Shop sa Southeast Asia.
Malaki ang ambag ng MSMEs sa development ng bansa dahil isa sila sa mga pangunahing pinagmumulan ng trabaho at innovation. Sa ganitong paraan, pinapalago nila ang ekonomiya. Kaya naman masasabing malaking oportunidad at lubos na makatutulong, hindi lang para sa mga maliliit na negosyanteng Pilipino, kundi para sa bansa, ang pagbuo ng partnership ni Pangulong Marcos sa isa sa pinakamalaking social media platforms sa buong mundo.