Kamakailan lang, inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang Labor Force Survey para sa October 2023. Dito, naipakitang umakyat na sa 95.8% ang employment rate sa bansa.
Kasunod nito, pinuri ni Bulacan 6th District Representative Salvador Pleyto si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil ito ang pinakamataas na employment rate sa bansa sa loob ng 18 years.
Nilagpasan ng pinakahuling datos mula sa PSA ang dating pinakamataas na employment rate na naitala noong April 2005. Record-breaking din ang unemployment rate noong October 2023 na bumaba sa 4.2%.
Ayon kay Rep. Pleyto, naging driving force tungo sa malakas na ekonomiya ang administrasyon ni Pangulong Marcos. Aniya, siniguro ng mga polisiya ng Pangulo ang paglago ng ekonomiya na siyang napakinabangan ng milyong-milyong Pilipino.
Kabilang sa mga polisiyang ito ang Food Stamp Program na inilunsad noong September 29, 2023. Sa Food Stamp Program, mabibigyan ang food-poor Filipinos ng Electronic Benefit Transfer (EBT) cards na may lamang 3,000 pesos monthly. Para manatili sa Food Stamp Program, kinakailangang mag-enroll ang beneficiaries nito sa job-generating programs ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). Required rin ang beneficiaries na magbigay ng certificate mula sa DOLE o TESDA bilang patunay na naghahanap sila ng trabaho.
Samantala, noong September 27, 2023 naman, pinirmahan ni Pangulong Marcos ang Republic Act 11962 o Trabaho para sa Bayan Act na magpapalakas sa employability at competitiveness ng mga Pilipino. Inaprubahan din ng Senado ang Public-Private Partnership Act kasabay ng paglulunsad ng National Innovation Agenda and Strategy Document for 2023-2032. Ang mga ito ay inaasahang lilikha pa ng mas maraming trabaho.
Bukod pa rito, matatandaan ding nakakuha ng $120 million worth of Memorandum of Understanding agreement si Pangulong Marcos mula sa ikaunang Association of Southeast Asian Nations-Gulf Cooperation Council (ASEAN-GCC) Summit kung saan magtatayo ng 500-person capacity training facility sa bansa para sa upskilling ng Filipino workers sa construction industry.
Para kay Rep. Pleyto, pinakamahalaga ang job figures sa lahat ng economic indicators dahil magiging makabuluhan lang ang paglago ng ekonomiya kung marami rin ang nalikhang trabaho.
Sa pagpupursigi ni Pangulong Marcos na manghikayat ng foreign investors at sa paggawa ng mga polisiya na tiyak na makatutulong sa labor force, inaasahang mas marami pang de-kalidad na trabaho ang malilikha para sa lahat ng Pilipino.