Nasa isolation man dahil sa Covid-19, nilagdaan pa rin ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang Republic Act No. 11966 o Public-Private Partnership Code of the Philippines (PPP Code) bilang batas nitong December 5, 2023.
Pag-amyenda ang PPP Code sa Build-Operate-Transfer (BOT) Law na naging guideline ng Public-Private Partnership (PPP) projects sa loob ng maraming taon.
Tumutukoy ang PPP sa contractual agreement sa pagitan ng public at private sectors na naka-target sa financing, designing, implementing, at operating ng infrastructure facilities and services na kadalasang pino-provide ng gobyerno.
Nagbibigay ng monetary and non-monetary advantages sa public sector ang PPPs. Tinutugunan nito ang limitadong pondo at resources ng public sector para sa local infrastructure and development projects. Sa pakikipag-partner sa private sector, maaari nang ilaan ng gobyerno ang public funds sa iba pang priority projects.
Paraan ang partnership na ito upang magkaroon ng mas efficient at effective na pagbibigay ng serbisyo sa publiko, partikular na sa mga proyektong pang-imprastraktura. Sa PPPs, matitiyak ang mas mababang gastos, mas pinabilis na implementasyon, at mas pinabuting serbisyo.
Dahil kailangan pa ring kumita ng mga pribadong kumpanya sa kabila ng partnership, kailangang magkaroon ng malinaw na structure kung saan makakakuha ng reasonable return of investment (ROI) ang private sector.
Kaya naman sa bisa ng PPP Code na pinirmahan ni Pangulong Marcos, mabibigyan na ng unified legal framework ang PPP projects. Sa bagong batas na ito, mas magiging malinaw at detalyado ang rules para sa naturang partnership. Mas palalakasin din ang kolaborasyon sa pagitan ng public at private sector.
Sabi nga ni Pangulong Marcos, “Ang imprastraktura ay kaunlaran.” Ngunit nahahadlangan ang development ng bansa dahil sa mga kakulangan sa sektor ng imprastraktura. Sa pag-utilize at pagpapalakas ng PPPs, matutugunan na ang mga kakulangan na ito na siyang magpapaunlad sa Pilipinas.