Pinakamarami ang bilang ng mga Pilipinong “food insecure” o hindi nakakakain ng sapat sa katimugang bahagi ng bansa.
Ito’y batay sa National Nutrition Survey ng Department of Science and Technology – Food and Nutrition Research Institute kung saan mataas ang naitalang insidente ng kahirapan.
Ayon sa DOST-FNRI, pinakamataas ang stunting o pagkabansot ng bata na edad lima pababa sa Western Visayas na umabot sa 36.9%, sinundan ito ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na nasa 36.6%.
Pumapangatlo ang Zamboanga Peninsula na nasa 35.6%, sumunod ang MIMAROPA na nasa 33.4%, at Bicol Region na nasa 32.6%.
Kaugnay nito, nangunguna naman ang MIMAROPA sa mga lugar na mataas ang wasting o mababa ang timbang, kumpara sa kanilang tangkad sa 7.2%, na sinundan ng Cagayan Valley sa 7%.
Pumangatlo rin ang Zamboanga Peninsula sa 6.9%, sumunod ang BARMM sa 6.8%, at Ilocos Region sa 6.4%.
Para sa DOST-FNRI, mahalaga ang resulta ng National Nutrition Survey, dahil natutukoy nito ang mga lugar kung saan mayroong pinakamataas na insidente ng malnutrition. - sa panulat ni Charles Laureta