Nakakalap si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng actualized investments na nagkakahalaga ng P169 billion mula sa Japan.
Ito ang inihayag ni Presidential Adviser on Investment and Economic Affairs Frederick Go sa sidelines ng 50th Commemorative ASEAN-Japan Friendship and Cooperation Summit sa Tokyo.
Ayon kay Go, mayroong nilagdaang siyam na bagong Memorandums of Understanding (MOU) mula sa Japanese companies na nagkakahalaga ng P14 billion. Nagbigay rin ng update ang higit 20 kumpanya tungkol sa pinangakong investments kay Pangulong Marcos mula sa foreign trip niya sa Japan noong February 2023.
Kabilang sa mga kumpanyang ito ang Japan Overseas Infrastructure Investment Corporation for Transport and Urban Development (JOIN) at Bases Conversion and Development Authority (BCDA) na magkakaroon ng kolaborasyon upang pag-aralan ang development sa New Clark City sa Tarlac, ang pinakaunang resilient at green metropolis sa bansa. Makikipag-partner rin ang BCDA sa Manila Japanese School (MJS) para sa lease renewal ng paaralan sa Bonifacio Global City (BGC), Taguig.
Mag-iinvest din sa bansa ang Medley Inc., Minebea Mitsumi Inc., Nitori Holdings Co. Ltd. at Tsuneishi Shipbuilding Co. Ltd. para sa operasyon ng business process outsourcing (BPO), pagpapalawak ng furniture and home furnishing chain, at production improvement and replacement ng mga lumang pasilidad sa Pilipinas. Bukod sa mga ito, bumuo rin ng isang joint venture ang DMCI Project Developers, Inc. sa Marubeni Corp. ng Japan para sa property development projects, pati na rin ang electronics companies na Ibiden Co. Ltd at Japan Aviation Electronics Industry Ltd.
Inaasahang makalilikha ng 200,000 job opportunities ang investment pledges na ito para sa mga Pilipino.
Matatandaang kamakailan lang, iniulat na naaakit ang Japanese investors na i-develop ang kanilang mga operasyon at negosyo sa bansa dahil sa patuloy na paglago ng ekonomiya at inaasahang increased workforce population.