Tiniyak ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa overseas Filipino workers (OFWs) na tuloy ang mga programa at proyekto ng pamahalaan na magpapagaan sa buhay nila at ng kanilang mga mahal sa buhay.
Sa ginanap na OFW Family Day sa Pasay nitong December 20, 2023, inihayag ng Pangulo na patuloy na ginagawa ng pamahalaan ang mga kinakailangang hakbang upang matiyak ang kanilang kaligtasan habang nasa ibang bansa.
Isa sa mga pagsisikap ng pamahalaan upang makatulong sa OFWs ang One Repatriation Command Center (ORCC) na inilunsad ng Department of Migrant Workers (DMW) noong July 20, 2022. Isa itong one-stop center kung saan maaaring humingi ng tulong ang OFWs tungkol sa iba’t ibang isyu, gaya na lang ng sexual abuse, modern-day slavery, at requests for assistance upang maipadala sa Pilipinas ang labi ng namatay na OFW. Bukas din 24/7 ang hotline nitong 1348 para sa OFWs na kailangan ng counseling at legal assistance.
Isa namang livelihood support ang programang Balik Pinas, Balik-Hanapbuhay. Para ito sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) members na nawalan ng trabaho dahil sa political conflict, mga naging biktima ng illegal recruitment, at iba pang nakababalisang sitwasyon. Sa ilalim ng programang ito, mabibigyan ang mga kwalipikado ng maximum P20,000 assistance na maaaring gamitin bilang puhunan sa kanilang proyektong pangkabuhayan.
Para naman mapangalagaan ang kalusugan ng OFWs at ng kanilang dependents, ipinatayo ang OFW Hospital sa San Fernando, Pampanga noong May 2022. Dito, maaari silang makinabang sa free healthcare services.
Ilan pa sa mga ibinida ni Pangulong Marcos na mga programa at proyekto para sa OFWs ang mga sumusunod:
- Livelihood Development Assistance Program
- Financial Awareness Seminar-Small Business Management Training
- Enterprise Development Loan Program
- Tulong Pangkabuhayan sa Pag-unlad ng Samahang OFWs
- OFW Children’s Circle
- OWWA Education and Training Program and Educational Assistance
Samantala, hinikayat naman ng Pangulo ang OFWs na sulitin at gamitin nang wasto ang mga benepisyong makukuha sa mga programang ito. Aniya, kasabay sa pagkayod nila sa ibang bansa para makapagbigay ng magandang buhay sa kanilang pamilya ang pagsisikap ng administrasyon niyang mapaunlad ang bansa. Tiniyak niyang sa itinatatag niyang Bagong Pilipinas, magiging optional na lang ang pagtatrabaho abroad dahil mas dadami ang oportunidad sa bansa.
Sabi nga ni Pangulong Marcos, OFWs ang tunay na halimbawa ng makabagong manggagawang Pilipino na maipagmamalaki natin sa buong mundo. Sa patuloy na pagpapatupad at pagpapabuti ng pamahalaan sa mga programa para sa OFWs, matutulungan nang lubos ang ating modern-day heroes.