Nilinaw ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Winston Ginez na walang planong phase out ng mga jeep ang ahensya.
Gayunman, sinabi sa DWIZ ni Ginez na bibigyan ng ayuda ng gobyerno ang mga jeepney operator sa pagpapalit ng bagong sasakyan base na rin sa standards ng Clean Air Act.
“Wala pong ganyan na policy, gusto po nating mapanatili ang ating transportasyon dahil kailangan po natin sila pero bibigyan po sila ng pagkakataon at necessary assistance naman ng gobyerno kung paano nila mapapalitan ang kanilang mga talagang lumang sasakyan ng mas bago na katanggap-tanggap po sa kanila at naaayon sa mga standard ng ating Clean Air Act.” Pahayag ni Ginez.
Modernisasyon
Patuloy pa ang konsultasyon hinggil sa ikinakasang modernization ng mga pampublikong sasakyan.
Ipinabatid ito sa DWIZ ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Winston Ginez kaya’t walang dapat ikabahala ang mga jeepney operators hinggil sa modernization ng mga pampublikong sasakyan partikular ang umano’y pag-phase out ng mga jeep sa susunod na taon.
Katuwang aniya nila sa pagbalangkas sa naturang plano ang DOTC.
“Pawang konsultasyon po lamang at naaayon din po ito sa policy of transparency at full consultation na kinakailangan bago po makapagpalabas ng mga ganitong policy, at ang mga ganitong polisiya ang talagang magbababa po nito ay ang ating mother agency, ang DOTC.” Dagdag ni Ginez.
Protesta
Tuloy naman ang protesta ng grupo ni Efren de Luna sa Lunes laban sa aniya’y pag-phase out ng mga matatanda o 15 anyos pataas na mga jeep sa susunod na taon.
Sinabi sa DWIZ ni de Luna na mahigpit nilang tinututulan ang nasabing hakbang at hindi nila papayagang maulit ang ginawa ng LTFRB sa mga SUV at school buses sa unang buwan ng taong ito.
Hindi aniya sila pinansin ng LTFRB sa nais nilang pulong para malinawan ang nasabing usapin.
“Yun ang ikinatatakot ng ating mga kasama dahil baka na naman ang mangyari diyan, kagaya ng ginawa nila sa UV Express at school bus, nung dumating ang January yung mga ending 1 at 2 ay hindi na pinayagan na makapag-parehistro. Kaya nga nung nagkaroon kami ng motorcade at rally noong nakaraang Martes, December 1 ang hinihingi po namin ay ang paglilinaw, yung tinatawag natin na tuloy ba ang phase out sa January o hindi, pero ang ginawa po ng LTFRB ay ini-stop po kami at hindi kami kinausap.” Pahayag ni de Luna.
By Judith Larino | Balitang Todong Lakas