Iniulat ng Department of Health (DOH) sa ilalim ng administrasyong Marcos ang mga mahahalagang hakbang na titiyak sa mas accessible at adaptable na serbisyong pangkalusugan para sa lahat ng Pilipino, kasabay ng ginagawang aksyon ng pamahalaan para sa full implementation ng Universal Health Care Act.
Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, nakatutok siya sa pagtiyak na magiging accessible ang lahat ng serbisyong pangkalusugan, anuman ang kanilang estado.
As of September 2023, mayroon nang naitatag na 159 Malasakit Centers sa iba’t ibang bahagi ng bansa na nagbibigay ng healthcare services para sa mga lubos na nangangailangan.
Kaugnay nito, kasalukuyang ginagamit ng DOH ang “No One Gets Left Behind” principle na alinsunod sa 8-Point Action Agenda ng ahensya.
Kabilang sa 8-Point Action Agenda na ito ang Bawat Pilipino, Ramdam ang Kalusugan; Ligtas, dekalidad, at mapagkalingang serbisyo; Teknolohiya para sa mabilis na serbisyong pangkalusugan; at Handa sa Krisis.
Kasama rin sa naturang agenda ang Pag-iwas sa sakit; Ginhawa sa Isip at Damdamin; Kapakanan at Karapatan ng Health Workers; at Proteksyon sa anumang pandemya.
Samantala, patuloy namang nakikipag-ugnayan ang DOH sa kanilang stakeholders sa pamamagitan ng meeting, seminars, at conferences na makatutulong sa pagpapalakas ng implementasyon ng Universal Health Care.