Generally peaceful ang pagsalubong ng bagong taon ngayong 2024.
Ito ayon kay PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo sa kabila ng mga naitalang biktima ng paputok.
Batay sa monitoring ng peace and order ng PNP, walang untoward incidents na naganap noong bisperas ng bagong taon hanggang kahapon ng umaga.
Gayunman, may panibagong insidente ng illegal discharge of firearms ang naganap isang araw bago ang bagong taon.
Sinabi ni Col. Fajardo na mayroong insidente sa Zamboanga kung saan sangkot ang isang police personnel na nagpaputok ng baril sa likod ng kanilang barracks at sinasabing nakainom pa ito.
Mahaharap naman sa patong-patong na kaso ang sangkot na pulis at sasailalim sa administrative probe na maaaring magresulta sa kanyang pagka-dismiss sa serbisyo.
Samantala, ipinahayag naman ni Col. Fajardo na patuloy na naka-heightened alert ang PNP hanggang sa susunod na linggo upang tiyakin ang peace and order lalo na sa mga terminal kung saan dagsa ang mga pasahero na pabalik mula sa kanilang bakasyon nitong holiday season. – sa panulat ni Raiza Dadia