Bilang pagkilala sa mga natatangi at magigiting na pulis, pinangalanan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ilang kampo at ari-arian ng Philippine National Police (PNP) bilang parangal sa kanila. Ito ay sa bisa ng Proclamation Nos. 429 at 430 na nilagdaan nooong December 20, 2023.
Batay sa Proclamation No. 429, fitting o naaangkop lang na parangalan ang dating police officers na nagpakita ng patriotism, courage, at dedication sa kanilang tungkulin sa pamamagitan ng pagpapangalan o pagpapalit ng pangalan sa ilang pasilidad ng PNP.
Kabilang dito ang pagpapalit ng pangalan ng 50th Maneuver Company Regional Mobile Force Battalion 5 sa Camp Police Max Jim Ramirez Tria at ang Police Regional Office (PRO) MIMAROPA Headquarters sa Camp Brigadier General Efigenio C. Navarro.
Ipinangalan din ng Pangulo ang mga ibinigay na lote sa PNP at Police Regional Office 5 bilang Camp Brigadier General Ludovico Padilla Arejola at Camp Captain Salvador Jaucian del Rosario, Sr. Kikilalanin naman na bilang Camp Colonel Juan Querubin Miranda ang Camarines Sur Police Provincial Office.
Sa bisa naman ng Proclamation No. 430, tatawaging Camp General Paulino T. Santos, Police Regional Office 12 ang Police Regional Office 12 of General Santos City; samantalang magiging Camp Private Andres P. Dadizon, Police Regional Office 8 na ang Biliran Police Provincial Office.
Dagdag pa rito, pinangalanan na rin ang Camarines Sur 1st Provincial Mobile Force Company Headquarters bilang Camp 2LT Carlos Rafael Paz Imperial, Police Regional Office 5.
Base ang pagpapangalan ng PNP camps at properties sa Section 2 ng Republic Act No. 10086 o Strengthening People’s Nationalism through Philippine History Act na may layong palakasin ang nasyonalismo at pagbibigay ng respeto sa mga bayani at sa mga nagawa nito para sa bayan.
Sa daming kinasasangkutang isyu, hindi maiiwasang mawalan ng tiwala ang ilang Pilipino sa PNP. Ito ang nais baguhin ni Pangulong Marcos na nagpaalala noon sa mga pulis na panatilihin ang integridad at unahin ang serbisyo sa publiko sa lahat ng oras. Hinikayat niya ang pulisya na umiwas sa anumang uri ng korapsyon upang maibalik ang tiwala, kumpiyansa, at paghanga ng publiko sa PNP.