Iniulat ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) na out of 1,637 LGUs, 630 pa lang ang nagpapatupad ng electronic business one-stop shop (eBOSS) program. Sa mga ito, 19 LGUs lang ang idineklarang fully compliant sa pagpapatupad ng programa ayon sa validation ng ARTA Compliance Monitoring and Evaluation Office.
Upang masolusyunan ito, ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nationwide rollout ng assistance sa LGUs na hindi pa nakapag-set up ng kanilang eBOSS system.
Matatandaang sa ginanap na Philippine Mayors Forum noong October 27, 2023, sinabi ni Pangulong Marcos na dapat nang tapusin ang napakabagal na proseso ng pangunahing serbisyo sa LGUs. Iginiit niya na dapat nang i-adapt ang makabagong teknolohiya sa pamamagitan ng pagsusulong ng digitalization at e-governance dahil mas mapapabilis nito ang iba’t ibang pakikipag-transaksyon sa LGUs.
Sa eBOSS program, mas magiging madali at mabilis ang proseso sa pagkuha ng business permits at iba pang dokumento sa pagnenegosyo dahil sa digitalization.
Isa sa mga magiging epekto ng pagpapalawak sa eBOSS ay ang paglago ng ekonomiya dahil kung mas madaling kumuha ng mga dokumento, mas maraming entrepreneurs ang mahihikayat na mag-negosyo at sumunod sa requirements ng pamahalaan.
Ayon kay ARTA Director General Ernesto Perez, sa pamamagitan ng streamlining at digitalization, posible nang makakuha ng business permit sa loob lang ng 20 mins to 1 hour. Naitalang mas mataas ang business registration at tax collections ng LGUs na may full implementation ng eBOSS system.
Masasabing fully compliant sa eBOSS program ang LGU kung mayroon itong online system na tumatanggap ng business applications gamit ang Unified Application Form; nakakapag-isyu ito ng electronic tax bill, Fire Safety Inspection Certificate Fee, at Barangay Clearance Fee; nakakapagbigay ng electronic version ng permits; at tumatanggap ng online payment.
Upang makasabay na sa eBOSS system ang lahat ng LGUs sa bansa, magsasagawa ng caravan ang ARTA sa last week ng January. Katulong ang Presidential Management Staff (PMS), Department of the Interior and Local Government (DILG), at Department of Information and Communications Technology (DICT), magbibigay ng tulong ang ARTA sa LGUs, mula hardware donation hanggang sa technical assistance na alinsunod sa utos ni Pangulong Marcos.
Ayon sa Pangulo, ipagpapatuloy niya ang pagpapahusay at pagpapabilis sa serbisyo ng pamahalaan sa taong 2024. Kapag matagumpay na maipatupad ang eBOSS system sa buong bansa, inaasahang mas sisigla pa ang ekonomiya ng Pilipinas.