Sa inilabas na pinakahuling survey results ng Pulse Asia nitong January 8, 2024, kapansin-pansin ang pagtaas ng approval rating ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Mula 65% noong September 2023, tumaas ang approval rating ni Pangulong Marcos sa 68% para sa December.
Ayon kay Eastern Samar Governor Ben P. Evardone, nakatulong sa pag-angat ng approval rating ni Pangulong Marcos ang mga pagsisikap nito sa pagtugon sa three key issues ng bansa: ang inflation, economic growth, at employment.
Bago isagawa ang survey period ng Pulse Asia, matatandaang noong October 2023, umabot ang employment rate sa bansa ng 95.8% ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA). Ito ang pinakamataas na employment rate na naitala sa loob ng 18 years.
Record-breaking din ang unemployment rate sa ilalim ng administrasyong Marcos na bumaba sa 4.2% noong kaparehong buwan.
Kaugnay nito, umabot sa 5.9% ang gross domestic product (GDP) growth ng bansa sa ikatlong quarter ng 2023, mula 4.3% noong ikalawang quarter. Dahil sa performance na ito, itinuring ang Pilipinas bilang pinakamabilis sa major Asian economies.
Samantala, patuloy rin ang pagbagal ng inflation sa bansa. Ayon sa inilabas na ulat ng PSA noong January 5, 2024, naipakitang bumaba sa 3.9% ang inflation rate ng bansa noong December 2023; mula 4.1% noong November 2023 at 8.1% noong December 2022.
Sabi ni Gov. Evardone, dapat asahan ang bounce-back sa approval ratings ni Pangulong Marcos dahil nagbubunga na ang mga pagsisikap ng administrasyon. Aniya, sumasalamin ito sa approval at appreciation ng publiko sa mga ginawang aksyon ng Pangulo upang pabagalin ang inflation, pasiglahin ang ekonomiya, at makalikha ng mga trabaho.
Gayumpaman, pinaalalahanan ng Eastern Samar governor ang public officials na huwag magpaapekto sa survey ratings at sa halip, ipagpatuloy ang commitment na pagsilbihan ang mga Pilipino.
Sa isang mensahe, nangako naman si Pangulong Marcos na ipagpapatuloy niya ang pagsusumikap upang mas lumakas ang produksyon ng pagkain at mas tumatag ang ekonomiya ng Pilipinas.