Nagkasundo sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Indonesian President Joko Widodo na paigtingin pa ang kooperasyon ng dalawang bansa pagdating sa usaping seguridad at politika.
Matatandaang noong January 9, 2024, dumating si President Widodo sa Manila para sa kanyang three-day official visit sa bansa. Layon ng pagbisitang ito na mas palalimin at patatagin ang bilateral ties sa pagitan ng Pilipinas at Indonesia.
Sa ginanap na Leaders’ Statement kasama si President Widodo, sinabi ni Pangulong Marcos na malalim ang historic roots sa pagitan ng Pilipinas at Indonesia. Kaya naman nagkasundo ang dalawang bansa na ipagpatuloy ang pagtutulungan, partikular na sa mga isyung politikal at seguridad na binanggit sa katatapos lang na Joint Commission for Bilateral Cooperation (JCBC).
Ang JCBC ang pangunahing dialogue mechanism sa pagitan ng Pilipinas at Indonesia kung saan pinag-uusapan ang iba’t ibang isyu at pinagtutuunan ng pansin ang mga planong magpapahusay sa kooperasyon ng dalawang bansa. Sinusuri rin dito ang naging accomplishments ng mutual collaboration initiatives.
Isa sa mga inisyatibang ito ang pagpapatupad sa mga prayoridad ng Philippines-Indonesia Plan of Action 2022-2027 na nilagdaan sa state visit ni Pangulong Marcos sa Indonesia noong September 2022.
Tinutugunan ng Plan of Action ang iba’t ibang aspeto sa kooperasyon ng Pilipinas at Indonesia, kabilang na ang politika at seguridad, ekonomiya, isyu sa border, sociocultural at people-to-people exchange, regional at global issues, at iba pa.
Samantala, nilagdaan na rin ng Department of Energy (DOE) ng Pilipinas at Ministry of Energy and Natural Resources ng Indonesia ang Memorandum of Understanding (MOU) para sa kooperasyon sa industriya ng enerhiya. Isusulong nito ang pagtutulungan ng dalawang bansa sa energy transition, renewable energy, demand-side management, electric vehicles, at alternative fuels gaya ng hydrogen, ammonia, at biofuels. Itataguyod rin nito ang business sectors, lalo na sa panahong kritikal ang energy commodities tulad ng coal at liquified natural gas.
Sabi nga ni Pangulong Marcos, isa ang Indonesia sa “closest friends at regional partners” ng Pilipinas. Kaya naman inaasahan ang patuloy na partnership sa pagitan ng Pilipinas at Indonesia upang mas tumibay ang kooperasyon sa depensa, seguridad, kalakalan, at imprastraktura na maghahanda sa dalawang bansang harapin ang iba’t ibang hamon sa Asya.