Pinirmahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang batas ang Republic Act No. 11976 o mas kilala bilang Ease of Paying Taxes Act noong January 5, 2024.
Isa itong priority legislation ng administrasyong Marcos na sumusuporta sa 8-Point Socioeconomic Agenda ng pamahalaan.
Aamyendahan ng Ease of Paying Taxes Act ang ilang seksyon ng National Internal Revenue Code of 1997 upang i-update ang sistema ng pagbubuwis sa bansa.
Ilan sa mga nilalaman ng Ease of Paying Taxes Act ang mga sumusunod:
- classification ng taxpayers sa micro, small, medium, at large;
- electronic o manual filing ng returns o pagbabayad ng buwis sa Bureau of Internal Revenue (BIR), authorized agent banks, o authorized tax software provider;
- opsyong magbayad ng internal revenue taxes sa City o Municipal Treasurer;
- at classification ng value-added tax (VAT) refund claims sa low, medium, at high-risk.
Upang mapabuti ang performance at efficiency ng BIR, inatasan din ang ahensya na mag-adopt ng integrated digitalization strategy sa pamamagitan ng end-to-end solutions para sa ikabubuti ng taxpayers.
Kabilang sa digitalization initiatives na ito ang pagsasagawa ng integrated at automated system para sa pangangasiwa ng basic tax services; pag-set up ng electronic at online system para sa data exchange ng mga opisina at departamento; automation at digitalization ng mga serbisyo ng BIR; at pagpapaunlad sa technology capabilities nito.
Sa pamamagitan ng digitalization at modernization sa sistema ng pagbubuwis sa bansa, mas maraming Pilipino ang inaasahang mahihikayat na magbayad ng tamang buwis dahil magiging madali at accessible na ito. Kung mangyari ito, mas tataas ang revenue collection ng bansa na siya namang magpapaunlad sa ekonomiya ng Pilipinas.