Isang milestone ang nakamit ng Board of Investments (BOI) sa ilalim ng administrasyong Marcos matapos nitong makapagrehistro ng tumataginting na P1.16 trillion investments noong 2023. Ayon sa BOI, ang record na ito ang pinakamataas sa loob ng 56 years.
Para kay Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Ceferino Rodolfo, resulta ang investments na ito sa foreign trips ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Ang naturang investments ay magiging actual registrations at kalaunan, magiging proyekto.
Ayon kay Usec. Rodolfo, hindi laway lang ang tinutukoy na actual registration. Paliwanag niya, nakapag-rehistro na ang mga ito sa Securities and Exchange Commission (SEC).
Bago makapagpatayo ng negosyo ang local at foreign investors sa bansa, kailangan muna nilang magparehistro sa SEC. Pagbibigay-diin ni Usec. Rodolfo, nakapag-incorporate at nakapag-set up na ng opisina sa bansa ang ilang investors.
Dagdag pa ng Trade official, dati, nahuhuli sa Thailand at Malaysia ang Pilipinas pagdating sa investments. Ngunit ngayon, naungusan na ng Pilipinas ang mga kapitbahay nitong bansa.
Isa sa major factors nito ang aggressive promotional efforts ng administrasyong Marcos sa ibang bansa at ang mga reporma sa polisiya na ipinatupad ng pamahalaan.
Sa katunayan, matatandaang noong December 15, 2023, inilabas ni Pangulong Marcos ang Executive Order (EO) No. 49 na magtatatag sa Office of the Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs (OSAPIEA), ang opisinang nakatuon sa epektibong integrasyon, koordinasyon, at implementasyon ng iba’t ibang polisiya at programang pang-ekonomiya at pang-investment.
Dahil sa investment pledges na nakalap ni Pangulong Marcos mula sa ibang bansa noong 2023, nakapag-uwi siya ng higit 200,000 na karagdagang trabaho para sa mga Pilipino ayon sa tala ng DTI.
Sa patuloy na pagsisikap ng administrasyon na makakalap ng investments na magpapasigla ng ekonomiya, hindi imposible ang hangad ni Pangulong Marcos na maging leading investment hub ng Asya ang Pilipinas.