Sa isang video message, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gaya ng karamihan, mayroon din siyang sariling New Year’s resolution. Gayumpaman, idiniin niyang nangingibabaw pa rin ang hangad niya para sa bansa—ang tuloy-tuloy na pagsulong papunta sa isang ‘Bagong Pilipinas.’
Makakamit ng bansa ang Bagong Pilipinas sa tulong ng ‘Bagong Pilipino.’
Ayon kay Pangulong Marcos, upang maging Bagong Pilipino, maaari kang magsimula sa iyong sarili at pamilya, gaya na lang sa pagiging maagap, produktibo, at masinop. Aniya, may maitutulong sa bayan ang mga commitment sa sarili na may kinalaman sa disiplina at improvement.
Dagdag pa ng Pangulo, maaari mong i-develop ang sarili sa pamamagitan ng pagbabasa ng libro, pag-aaral sa paggamit ng makabagong teknolohiya, pag-obserba sa personal grooming at self-discipline, at pagiging mabuting miyembro ng pamilya at pamayanan.
Kaugnay nito, matatandaang ipinagdiwang ng bansa ang Community Development Day nitong January 6. Ayon kay Pangulong Marcos, nagsisilbi itong paalala sa kahalagahan ng development at improvement ng mga lokal na komunidad. Paiigtingin naman ng administrasyon ang panghihikayat sa lahat na maging bahagi sa pagpapaganda ng barangay, siyudad, probinsya, at sa kalaunan, sa buong bansa. Pangako ng Pangulo, sa mga susunod na linggo, lalo pang mauunawaan at mararamdaman ng mga Pilipino ang ibig sabihin ng Bagong Pilipinas.
Sabi ni Pangulong Marcos, walang Bagong Pilipinas kung walang Bagong Pilipino. Ika nga niya, “Isang magandang bahagi sa landas natin tungo sa Bagong Pilipinas ay ang individual and community involvement–ang pakikilahok ng taongbayan, ang pakikilahok ng bawat isa. Ang bawat barangay, pamilya o indibidwal ay tinatawag na maging bahagi ng pagbabago. Lahat naman ay may magagawa, lahat naman ay may maiaambag, lahat ay kabilang.”