Patuloy ang pagsugpo ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kahirapan.
Binigyang-diin ng Office of the Presidential Adviser for Poverty Alleviation (OPAPA) ang commitment nitong suportahan ang programa ni Pangulong Marcos laban sa kahirapan na alinsunod sa “Bagong Pilipinas” campaign ng administrasyon.
Sa katunayan, nakikita ni Presidential Adviser for Poverty Alleviation Secretary Larry Gadon ang taong 2024 bilang “promising” pagdating sa kanyang kampanya kontra sa kahirapan.
Noong 2023, pinangunahan ng OPAPA ang ilang poverty reduction programs katulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), National Intelligence Coordinating Agency (NICA), Department of Agriculture (DA), at Philippine National Police (PNP).
Nakipag-ugnayan din ang opisina sa Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc. (FFCCCII) at National Housing Authority (NHA).
Ayon kay Sec. Gadon, titiyakin ng OPAPA ang mas mahusay na pagpapatupad ng food programs para sa mga batang mag-aaaral na nasa critical areas. Nangako rin siyang pagtutuunan ng pansin ang panghihikayat sa foreign investors para sa Public-Private Partnership (PPP) at infrastructure projects na makakaambag sa layunin ng administrasyong Marcos na mabawasan ang poverty incidence sa bansa.
Naniniwala ang Poverty Alleviation secretary na susi ang energy security sa pag-unlad ng ekonomiya. Sa katunayan, nakikipagpulong siya sa ilang foreign investors na interesadong magpatayo ng power plants sa bansa. Aniya, malaki ang maitutulong ng power plants lalo na sa mga pinakamahihirap na komunidad kahit 10 to 20 megawatts lang ang capacity nito. Matatandaang alinsunod ang energy security sa adbokasiya ni Pangulong Marcos na makapag-suplay ng kuryente saanmang sulok ng bansa.
Para kay Sec. Gadon, makalilikha ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino ang pagkakaroon ng matatag na energy security. At kung may trabaho ang isang Pilipino, mas malaki ang pagkakataon nitong makaalis sa kahirapan.