Kabilang na ngayon ang mga homeless o mga nakatira sa lansangan sa mga magiging benepisyaryo ng Pag-Abot program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ito ay matapos ilabas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Executive Order No. 52 noong January 18, 2024 upang mailayo ang street dwellers at iba pang mga mahihirap na Pilipino sa lansangan.
Isa sa pilot programs ng DSWD ang Pag-Abot program na layong magbigay ng tulong sa mga mahihirap na indibidwal, bata, at pamilya.
Ayon kay Pangulong Marcos, hindi lang financial assistance ang ipamamahaging assistance package sa homeless beneficiaries ng Pag-Abot program. Mabibigyan din sila ng relocation assistance, transitory shelter assistance, livelihood assistance, employment assistance, psychosocial support, at community assistance.
Sa bisa ng Executive Order No. 52, itatatag ang Interagency Committee na titiyak sa mahusay na implementasyon ng Pag-Abot program. Pamumunuan ito ng DSWD secretary bilang chairperson, samantalang secretary naman ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang magiging vice chairperson.
Matatandaang nagbigay ng commitment ang Pilipinas na maisakatuparan ang Sustainable Development Goal No. 1 ng United Nations na ‘No Poverty’. Sa pamamagitan ng patuloy na pagpapatupad ng social protection systems and measures at pagbibigay ng pantay na access sa economic resources katulad sa Pag-Abot program, posibleng mapuksa ang kahirapan sa bansa.
Ayon nga kay Pangulong Marcos, ang Pag-Abot program ang magbibigay ng social safety nets at proteksyon sa mga panganib na dulot ng kahirapan sa kapwa nating Pilipino. Ito rin ang tutulong sa kanilang maging produktibong miyembro ng lipunan.