Nakatanggap ng mga papuri si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. mula sa Vietnamese leaders. Ito ay dahil sa kanyang pamumuno na nagresulta sa pagtaas ng economic growth rate ng Pilipinas sa kabila ng mga pandaigdigang hamon sa world market.
Ayon kay Vietnam President Vo Van Thuong, naging mabunga at matagumpay ang bilateral talks sa pagitan ng Pilipinas at Vietnam kasama si Pangulong Marcos.
Matatandaang bumisita si Pangulong Marcos sa Vietnam nitong January 29, 2024 para sa kanyang two-day state visit upang palakasin ang ugnayan ng dalawang bansa.
Para kay Pres. Thuong, simula nang maupo si Pangulong Marcos bilang pinuno, maraming breakthroughs ang nakamit ng Pilipinas sa pag-unlad ng ekonomiya.
Sa major emerging economies sa Asya, naitalang second fastest ang ekonomiya ng Pilipinas batay sa gross domestic product (GDP) ng bansa para sa fourth quarter ng 2023 na umabot sa 5.6%.
Ayon pa sa Vietnam president, remarkable ang naging mga tagumpay ng bansa sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Marcos, partikular na sa mga sektor ng socioeconomics, foreign policies, at security and defense.
Samantala, sinabi ni Vietnam Prime Minister Pham Minh Chinh na nais nilang matutunan ang economic strategy at leadership style ni Pangulong Marcos na dapat aniyang tularan ng mga pinuno ng Vietnam.
Dagdag pa ng prime minister, hinahangaan niya ang naging papel ni Pangulong Marcos sa pagsulong at paglikha ng mga tradisyon sa pagnenegosyo na nakaambag sa socio-economic development ng Pilipinas.
Sa larangan naman ng trade and investment, tiniyak ni Prime Minister Chinh ang malalim na koneksyon ng ekonomiya ng Pilipinas at Vietnam. Handa aniya ang Vietnam na makinig sa mga rekomendasyon ni Pangulong Marcos.
Kinilala rin ng chairman ng National Assembly of Vietnam na si Vuong Dinh Hue ang administrasyon at economic performance ni Pangulong Marcos. Para sa kanya, nakagawa ang Pangulo ng mga makabuluhang pagbabago para sa ekonomiya ng Pilipinas.