Mismong si Senator Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang kumontra sa paratang ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na nasa narco-list si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa ginanap na ‘Hakbang ng Maisug’ Leaders’ Forum sa Magallanes, Davao City noong January 28, 2024, matatandaang nanawagan si Mayor Sebastian ‘Baste’ Duterte kay Pangulong Marcos na kung wala itong pagmamahal at aspiration para sa bansa, mag-resign na ito.
Sa kaparehong event, sinabi naman ni dating Pangulong Duterte na nakita niya umano ang pangalan ni Pangulong Marcos sa drug watchlist ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Pinasinungalingan ito ni Sen. dela Rosa na nagsabing wala sa anumang narco-list ang pangalan ni Pangulong Marcos noong panahon niya bilang PNP chief.
Nang tanungin kung inimbestigahan o pinaghinalaan si Pangulong Marcos sa paggamit ng ilegal na droga, binigyang-diin ng senador na walang nangyaring imbestigasyon.
Sang-ayon ang pahayag ni Sen. dela Rosa sa ulat na inilabas ng PDEA na hindi kailanman napabilang si Pangulong Marcos sa kahit anong illegal drug database ng ahensya.
Samantala, inihayag naman ni Senator Imee Marcos na humingi na ng paumanhin si Mayor Baste sa kanyang naging panawagan na magbitiw ang Pangulo. Aniya, naging emosyonal lamang ang Davao City mayor dahil natatakot itong baka makulong ang kanyang amang si dating Pangulong Duterte at kapatid na si Vice President Sara Duterte.
Sa kabila ng mga akusasyon na ibinabato sa kanya, nanindigan si Pangulong Marcos na buo pa rin ang alyansa nila ni Vice President Sara na UniTeam. Pagtitiyak ng Pangulo, ipagpapatuloy nila ang pagtratrabaho nang nagtutulungan para sa ikabubuti ng Pilipinas.