Karamihan sa mga Pilipino ang kuntento sa pamamalakad ni Pangulong Ferdinand Marcos batay sa ilang surveys na inilabas kamakailan lang.
Sa “Boses ng Bayan” survey na isinagawa ng RP-Mission and Development Foundation Inc. (RPMD), nakakuha si Pangulong Marcos ng overall 80% performance score para sa taong 2023.
Sa naturang survey, lumabas na 84.7% ng respondents mula sa Luzon ang kuntento sa pamamahala ng Pangulo; 79.02% sa Visayas; 75.98% sa Mindanao; at 71.72% sa National Capital Region (NCR).
Ayon naman sa pinakahuling “Tugon ng Masa” survey ng OCTA Research, tumaas ang satisfaction rating ng administrasyon ni Pangulong Marcos.
Sa survey na isinagawa mula December 10-14, 2023, lumabas na 59% sa mga Pilipino ang kuntento sa pamamahala ni Pangulong Marcos. Mas mataas ito kumpara sa 56% na score noong October 2023.
Pinakamataas ang satisfaction rate ng respondents mula sa NCR at Visayas sa 71%; habang 53% naman sa Luzon.
Samantala, tumaas din ang trust at approval ratings ni Pangulong Marcos sa survey namang pinangunahan ng Pulse Asia.
Mula 65% noong September 2023, tumaas ang approval rating ng Pangulo ng 68% para sa buwan ng Disyembre. Sa kaparehong survey, naipakita ring 73% ng mga Pilipino ang nagtitiwala sa kanya.
Ayon sa ulat, karamihan sa mga Pilipino ang kuntento sa administrasyong Marcos dahil sa mga ginawa nitong aksyon sa pagproteka sa overseas Filipino workers (78%), pagtulong sa mga nasalanta ng kalamidad (76%), pagprotekta sa kalikasan (62%), pagsulong sa kapayapaan at pagdepensa sa teritoryo (61%), pagsugpo sa krimen (56%), at pagpapatupad sa mga batas (51%).
Ikinatuwa naman ni Pangulong Marcos ang nakuha nitong rating. Aniya, sumasalamin ito sa solid confidence ng publiko sa pamumuno niya sa buong bansa.