Noong January 16, 2024, inilabas ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang Administrative Order No. 15 na nagbibigay ng direktiba sa lahat ng ahensya ng pamahalaan na bilisan ang implementasyon ng Government Energy Management Program (GEMP).
Ang GEMP ay isang government-wide program na layong bawasan ang buwanang pagkonsumo ng pamahalaan sa kuryente at langis sa pamamagitan ng pagtitipid.
Ayon sa Administrative Order No. 15 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, lahat ng national government agencies, kabilang na ang government-owned o -controlled corporations, ay inatasan na gumawa ng mga hakbang upang matiyak ang matipid at matalinong paggamit ng enerhiya. Hinihikayat din ng kautusan ang local government units (LGUs) na maging praktikal sa pagkonsumo ng enerhiya.
Isasagawa ang GEMP sa pamamagitan ng energy audits at random energy spot-checks mula sa Certified Energy Auditors. Kailangan ding mag-submit ng inventory ng existing consuming equipment ang mga ahensya ng pamahalaan upang siguruhin ang pagsunod sa Department of Energy (DOE) Guidelines on Energy Conserving Design of Buildings at Philippine Green Building Code.
Kabilang din sa inisyatiba ang pag-adopt sa low-cost Energy Efficiency and Conservation (EEC) measures na naaayon sa GEMP.
Samantala, makikipagtulungan ang DOE sa Presidential Communications Office (PCO) para sa epektibong pagpapaabot ng mensahe sa publiko at sa lahat ng mga opisina ng pamahalaan ukol sa mga hakbang sa praktikal na paggamit ng enerhiya.
Bagamat tiniyak noon ng DOE na sapat ang supply ng kuryente hanggang sa ikalawang quarter ng 2024, mahalaga pa rin ang kooperasyon ng lahat sa pagtitipid. Pagtitiyak ni Pangulong Marcos, patuloy na maghahanap ang pamahalaan ng alternatibong mapagkukunan ng enerhiya upang matupad ang hangarin niyang 100% household-electrification bago matapos ang kanyang termino sa 2028.