Suportado ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) at Moro National Liberation Front (MNLF) si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ang kampanya nitong Bagong Pilipinas na naglalayong isulong ang pagkakaisa at pagbabago sa bansa.
Sa isang statement, sinabi ni Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Chief Minister Ahod Ebrahim na naninindigan siyang tapat na ipinapatupad ang mga probisyon sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB).
Tumutukoy ang CAB sa final peace agreement na nilagdaan ng pamahalaan ng Pilipinas at Moro Islamic Liberation Front (MILF) noong March 27, 2014. Bagama’t marami pang dapat gawin, sinabi ni Ebrahim na may mga naging malalaking hakbang na ang dalawang partido sa implementasyon ng CAB na nakatulong sa mga taga-Bangsamoro. Paghihimok ng BARMM chief minister, protektahan ang proseso sa kapayapaan at patuloy na suportahan ang kasalukuyang administrasyon, kasabay sa pagsusulong ng peace at civility sa bansa.
Sa isang mensahe, sinabi naman ng opisyal ng BTA na si Atty. Suharto Ambolodto na naniniwala siyang posibleng makamit ang kapayapaan at kasaganaan sa ilalim ng Bagong Pilipinas sa pamamagitan ng pagkakaisa at katatagan.
Ayon kay Atty. Ambolodto, hindi lang pinaigting ni Pangulong Marcos ang suporta ng pamahalaan sa peace at development sa Bagsamoro, kundi itinulak pa ang pagkakaroon ng isang inclusive at sustainable na unification o pagkakabuklod-buklod sa rehiyon. Dagdag pa niya, matagal nang nakaranas ng kahirapan at takot ang mga taga-Bangsamoro dahil sa armadong tunggalian sa rehiyon, ngunit sa ilalim ng Bagong Pilipinas, bukod sa pagsasabatas ng priority legislations, mas naging epektibo na rin ang paghahatid ng serbisyo para sa kapakanan ng Bangsamoro.
Samantala, umapela si Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) Secretary Carlito Galvez Jr. na talikuran ang anumang kilusang naglalayong i-destabilize ang bansa, partikular na ang panawagang ihiwalay ang Mindanao sa Pilipinas.
Panawagan niya, patuloy na suportahan ang agenda ng administrasyon ni Pangulong Marcos sa kapayapaan, pagkakasundo, at pagkakaisa.