Ngayong araw ng mga puso, hinihikayat ng Philippine Egg Board Association (PEBA) ang suporta ng publiko sa pagbili ng itlog bilang alternatibong panregalo.
Kasunod ito ng patuloy na pagbaba ng farmgate price ng itlog bunsod ng oversupply at mababang demand.
Ayon kay PEBA President Francis Uyehara, bukod sa pinakamurang mapagkukunan ng protina ang itlog, maganda rin itong panregalo dahil maaari rin itong gawing pansahog o kaya ay panghimagas gaya ng leche flan.
Suportado naman ni Agriculture Spokesperson Assistant Secretary Arnel De Mesa ang panawagan ng PEBA dahil praktikal din aniya itong panregalo lalo’t patuloy ang pagmahal ng mga bulaklak.
Sa datos ng D.A., sa ngayon ay naglalaro sa P6.50 – P8.50 ang presyo ng kada piraso ng medium-sized na itlog sa Metro Manila.- sa panunulat ni Laica Cuevas