Sa pagdiriwang ng National Arts Month ngayong Pebrero, pinasalamatan ng isang mambabatas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa suporta at pagkilala nito sa world-class Filipino creativity.
Para kay Pangasinan Representative at House Committee on Creative Industry and Performing Arts Chairman Christopher de Venecia, naging dahilan ang collective leadership ni Pangulong Marcos sa pagkakaroon ng malaking kontribusyon ng creative industry sa ekonomiya ng bansa.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), umabot sa P52.8 billion ang gross value-added (GVA) ng arts, entertainment, and recreation sector sa ekonomiya noong ikatlong quarter ng 2023.
Ayon kay Pangulong Marcos, mahalaga ang pag-iinvest sa creative industry upang mapabilis ng paglago ng ekonomiya at makilala ang mga Pilipino saanmang dako ng mundo.
Dahil dito, tiniyak ng Pangulo na patuloy na susuportahan ng administrasyon ang creative industries at Filipino artists. Aniya, maaaring gamitin ang mga makabagong teknolohiya upang mas lumaki ang oportunidad na makilala ang local talents sa international market.
Samantala, kinilala ni Pangulong Marcos ang mambabatok na si Apo Whang-Od sa malaking ambag nito sa Philippine traditional arts sa pamamagitan ng paggawad ng Presidential Medal of Merit noong February 14, 2024.
Isa sa mga pinakamataas na parangal na ibinibigay ng Pangulong ng bansa ang Presidential Medal of Merit. Kumikilala ito sa mga indibidwal na nagbigay ng mahalagang kontribusyon sa arts, literature, science, at entertainment.
Itinuturing ng Pangulo na “national treasure” ang 106-year-old tattoo artist mula sa Buscalan, Kalinga, na nagtataguyod ng sining sa kanyang komunidad at nagtuturo nito sa bagong henerasyon.
Para kay Pangulong Marcos, mahalaga ang ginagampanang bahagi ng Filipino artists sa pagpapanatili ng mayamang kultura ng Pilipinas. Inaasahang sa patuloy na pagsusulong ng pamahalaan sa sining, patuloy ring mabubuhay ang pagkakakilanlan nating mga Pilipino.