Isinusulong sa Kamara ang isang panukala na naglalayong bigyan ng heartbreak leave at emotional support ang mga empleyadong bigo sa pag-ibig.
Ayon kay Cagayan De Oro City Representative Lordan Suan, may akda ng Panukalang Heartbreak Recovery and Resilience Act o House Bill 9931, layon nito na matulungan ang mga empleyado na naghihirap dahil sa pinagdaraanang break-up.
Sa ilalim nito, bibigyan ng isang araw na unpaid heartbreak leave kada taon ang mga empleyado na wala pang 25 taong gulang.
Ang mga empleyado na edad 25 – 35 ay mayroong dalawang araw na unpaid heartbreak leave kada taon.
Habang 36 pataas naman ay tatlong araw na unpaid heartbreak leave ang maaaring gamitin kada taon.
Paliwanag ni Representative Suan, upang maging kwalipikado ang empleyado ay kailangang sumulat sa kanyang employer kaugnay ng pinagdaraanang break-up.