Tinatayang 83% ng mga Pilipino ang gumagamit ng internet, batay sa datos ng Department of Information and Communications Technology (DICT) noong June 2023. Pumapalo naman sa 10 hours per day ang average internet usage ng mga Pilipino.
Dahil halos lahat ay babad na sa internet, nararapat lang na pahusayin ang cybersecurity ng bansa.
Ayon sa 2023 Asia Scam Report, mula sa 11 Asian economies na sinuri, nangunguna ang Pilipinas bilang bansang may pinakamataas na shopping fraud rate.
Batay naman sa ulat ng Philippine National Police (PNP), tumaas ang cybercrime rate noong huling quarter ng 2023, partikular na sa swindling o mas kilala bilang estafa na may naitalang 15,000 cases.
Dahil dito, inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang PNP at Department of the Interior and Local Government (DILG) na palakasin ang cybersecurity system sa bansa.
Sa ginanap na Palace briefing noong February 6, ibinahagi ni PNP chief Gen. Benjamin Acorda na nais ni Pangulong Marcos na magkaroon ng training ang PNP personnel at mag-invest para sa teknolohiya upang matugunan ang mga banta sa cybersecurity at cybercrime.
Kaugnay nito, may plano ang administrasyong magtatag ng National Cybercrime Training Institute ayon kay Interior Secretary Benjamin Abalos Jr. Pangangasiwaan ng DILG ang training institute sa ilalim ng Philippine Public Safety College. Dito, bibigyan ng formal training ang local police officers para sa detection at prevention ng cybercrimes.
Iprinisenta naman ng PNP kay Pangulong Marcos ang Capability Enhancement Program 2024-2025 na nakatuon sa pag-uupgrade ng mobility, communication equipment, firepower, at internal security operations (ISO) equipment.
Samantala, inaprubahan ni Pangulong Marcos ang National Cybersecurity Plan (NCSP) 2024-2028 na may layong magtatag ng isang “trusted, secure, at reliable” cyberspace para sa Filipino netizens.