Isang private tutor ang natagpuang walang buhay matapos tadtarin ng saksak at ihulog sa isang ilog sa San Juan, Batangas.
Kinilala ang biktimang si Arcel Regio, residente ng Barangay Tipaz at miyembro umano ng Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender and Queer (LGBTQ+) community.
Batay sa ulat ng San Juan Police, nakitang nakalubog ang bangkay ni Regio sa tubig ng Malaking Ilog River bandang alas dose ng tanghali noong Biyernes.
Ayon kay Donald Regio na kapatid ng biktima, hindi nakauwi sa kanilang bahay ang private tutor simula nang umalis ito noong Biyernes, alas tres ng madaling araw, matapos sunduin ng isang lalaki. Sumakay ang dalawa sa isang motorsiklo.
Habang hinahanap ang kanyang kapatid, nakita ni Donald ang mga bakas ng dugo mula sa kalsada hanggang sa damuhan na humantong sa gilid ng ilog.
Agad na nagsagawa ang pulisya ng search and retrieval operation. Matapos ang ilang minuto, natagpuan sa ilalim ang katawan ng biktima na tadtad ng saksak sa likod at sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Nakita rin sa crime scene ang isang kutsilyo at ice pick na pinaghihinalaang ginamit sa krimen.
Samantala, iniimbestigahan na ng mga pulis ang lalaking kasintahan umano ng biktima. Hindi pa matiyak kung siya rin mismo ang lalaking sumundo kay Regio bago ito mawala.