Game na game si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagsagot sa mga liham na ipinadala sa kanya ng mga kababayan natin sa Bahay Ugnayan, isa sa mga museo ng Malacañang na bukas sa publiko.
Sa kanyang pinakahuling vlog, buong pusong ibinahagi ni Pangulong Marcos ang kanyang pananaw tungkol sa iba’t ibang isyung kinakaharap ng bansa, katulad ng politics, fake news, presyo ng bigas, at jeepney modernization.
Isa ang humanities student na si Erica sa mga nagpadala ng sulat sa Pangulo tungkol sa history at politics. Dito, ibinunyag ni Pangulong Marcos ang totoong dahilan ng pagpasok niya sa politika.
Aniya, “Dapat naman, ang dahilan kung bakit sila tatakbo ay nais nilang tumulong, ako, ganyan kaya ako tumakbo, kaya ako pumasok sa pulitika dahil nalulungkot ako sa mga nakikita kong pangyayari. Dahil masakit sa loob ko na makitang naghihirap ang mga Pilipino at naisip ko, siguro naman may kaya akong gawin para makatulong.”
Nagbigay rin ng payo si Pangulong Marcos sa mga kabataan kung paano maiiwasan ang fake news, lalo na sa panahon ng teknolohiya.
“Huwag kayong magbabasa yung isa lang bagay, basahin niyo lahat. Ang turo sa akin ng lola ko, sabi niya, magbasa ka ng kahit na ano at ikaw nang bahala na mangilatis kung ano yung maganda o ano yung hindi tama. And that’s what history can guide us with.”
Tungkol naman sa presyo ng bigas ang liham ni Lianne ng Santa Rosa, Laguna. Aniya, tinanong siya ng kanyang anak kung ang ibig sabihin ba ng BBM ay “Bigas, Biglang Mahal”?
Paliwanag ni Pangulong Marcos, hindi lang Pilipinas ang may seryosong problema sa bigas. Nararamdaman din aniya ito sa ibang bansa sa Asya, kabilang na ang top rice producers na Vietnam at Thailand, dahil sa “external shocks” katulad ng paggalaw sa presyo ng langis.
Pagtitiyak niya, “Ginagawa natin lahat upang naman ang produksyon natin ay maging sapat na hindi na tayo nag-iimport, mababawasan ang mga inputs, kung tawagin para sa ating mga farmer at sana naman ay ma-stabilize man lang natin yung presyo ng bigas.”
Samantala, nakiusap sina Mark at Sophia sa kanilang mga liham na huwag i-phaseout ang mga traditional jeepney dahil sumisimbolo ito sa mga Pilipino.
Paglilinaw ni Pangulong Marcos, “Hindi po natin pinapalitan ang ating traditional na jeepney, ginagawa lang nating modern dahil yung pagka nilipat natin, gagawin natin electric yang mga yan ay mas malaki nag kikitain ng ating mga nagpapasada dahil ang cost per kilometer ng mga electric na bagong modernized na jeepney ay mas mababa, mas maganda nga ang kita ng ating mga nagpapasada.”
Bukod sa mga jeep, mayroon pang gustong i-modernize si Pangulong Marcos. Ito ang lumang pag-uugali ng mga Pilipino sa kalsada. Paalala niya, ang Bagong Pilipino ay dapat maging disiplinado, maunawain, at sumusunod sa mga batas trapiko.