Sa kanyang pagbisita sa Canberra noong February 29, mayroong tatlong kasunduan na nilagdaan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nakasentro sa strategic partnership ng Pilipinas at Australia.
Karagdagan ang tatlong ito sa higit 120 agreements na nilagdaan ng dalawang bansa noong mga nakaraang taon na nakatuon sa iba’t ibang larangan, katulad ng defense cooperation, air services, education, research, at scientific and cultural cooperation.
Upang mapahusay ang civil military cooperation, maisulong ang international law at rules-based international order, at maprotektahan ang karagatan, nilagdaan ng Pilipinas at Australia ang isang kasunduang nakatuon sa maritime domain. Inaasahang magpapatibay ito sa depensa at diyalogo ng mga kaukulang ahensya ng dalawang bansa.
Napagkasunduan din ng Pilipinas at Australia ang pagpapalitan ng impormasyon sa pagpapaigting ng cyber at critical technology; pagtataguyod sa isang ligtas na digital economy; at pag-apply ng international law sa cyberspace.
Bukod dito, magsasagawa rin ang dalawang bansa ng capacity-building tungkol sa merger regulations at investigative techniques na may kaugnayan sa pagpapatupad ng competition laws.
Para kay Pangulong Marcos, naging mas mahalaga na ang strategic partnership sa pagitan ng Pilipinas at Australia dahil sa mga banta sa kapayapaan sa Indo-Pacific region.
Panawagan niya, dapat magsama-sama at magtulungan upang harapin ang mga hamon sa rehiyon.
“We must reinforce each other’s strengths. We must protect the peace that we fought for during the war and have jealously guarded in the decades since. We must oppose actions that clearly denigrate the rule of law,” saad ni Pangulong Marcos.