Nangangamba ang mga residente sa Brgy. Bued, Calasiao, Pangasinan, matapos matagpuan ang isang balat ng malaking sawang pinaghihinalaang nasa likod ng pagkawala ng mga alagang hayop sa lugar.
Ayon sa City Environment and Natural Resources Office (CENRO) Central Pangasinan, mula ang balat sa isang burmese python.
Tinatayang 30 taong gulang na ang ahas na aabot sa 25 talampakan.
Ayon kay Chairman Allan Roy Macanlalay, posibleng nakakain o nakalayo na ang sawa. Matagal pa aniya bago ito lumabas muli, kaya pansamantala munang itinigil ang paghahanap dito.
Hiniling naman ng ibang residente na ipagpatuloy ang paghahanap sa dambuhalang ahas.
Pagtitiyak ng mga opisyal ng barangay, ligtas ang mga nakatira malapit sa lugar kung saan natagpuan ang balat.