Kinilala ng isang independent think tank mula sa Sydney, Australia si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang isa sa “most influential, interesting, at closely watched leaders” sa Southeast Asia.
Ayon kay Lowy Institute Executive Director Dr. Michael Fullilove, patunay ang naging talumpati ni Pangulong Marcos sa Australian Parliament noong February 29 sa napakahalagang papel nito bilang regional leader sa ASEAN.
Dagdag pa ng Australian think tank leader, maraming naging pagbabago sa Pilipinas sa nakalipas na 18 na buwan, partikular na sa pagiging mas determinado nitong depensahan ang sariling teritoryo.
Nakatanggap naman ng masigabong palakpakan si Pangulong Marcos nang magsalita ito sa Lowy Institute.
Dito, ibinahagi ng Pangulo na patuloy na pinalalakas ng pamahalaan ang depensa ng bansa sa pamamagitan ng pag-upgrade sa capabilities ng Philippine Coast Guard (PCG) at modernisasyon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Pagbibigay-diin niya, kailanman hindi isusuko ng bansa ang kahit isang pulgada ng teritoryo at maritime jurisdiction nito.