Wala ng buhay nang matagpuan ang mag-asawang senior citizen sa kanilang nasunog na bahay sa Cubao, Quezon City.
Natukoy ng barangay ang mga nasawing senior citizen na nasa edad 77 at 80.
Naganap ang sunog sa bahay ng mga biktima sa Stanford St., Brgy. E. Rodriguez na umabot sa unang alarma. Mabilis naman itong naapula.
Samantala, iniimbestigahan na ang kasambahay ng mga biktima na nagtangkang tumakas habang nasa kustodiya ng barangay.
Sa kuha ng CCTV, makikitang tumalon ang kasambahay mula sa ikalawang palapag ng bahay ng mga biktima at kumaripas ng takbo. May dala pa itong maleta.
Nanindigan ang kasambahay na wala siyang ginawang masama.
Gayunman, hindi pa matukoy ng barangay kung sa sunog pumanaw ang mga biktima.
Inihabilin na sa Philippine National Police (PNP) Criminal Investigation and Protection Unit ang imbestigasyon.