Isa ka na rin ba sa mga nahawaan na ng Taylor Swift fever?
Kilala nating lahat si Taylor Swift bilang isang multi-awarded singer-songwriter na kumanta ng mga nakaka-LSS (last song syndrome) na awitin, katulad ng “You Belong with Me,” “Shake it Off,” “Cruel Summer,” at marami pang iba.
Kasalukuyang naglilibot si Taylor sa buong mundo para sa kanyang Eras Tour, ang pinakaunang tour sa buong mundo na nagkaroon ng revenue na lumagpas sa $1 billion.
Dahil napakaraming “swifties” o fans ni Taylor ang handang gumastos nang malaki para lang mapanood ang sikat na pop star, nagdulot ito ng economic boost sa mga lugar na binisita ng singer sa kanyang Eras Tour.
Dinadagsa ng swifties ang venues kung saan kasalukuyang ginaganap ang concert ni Taylor, katulad na lang sa Singapore.
Dahil hindi kasali ang Pilipinas sa Eras Tour, napakaraming Pilipino ang pumunta pa ng Singapore upang mapanood ang sixth-concert tour ni Taylor. Bukod sa tickets, malaki rin ang nagastos ng concertgoers para sa flight, transportation, accommodation, food, at merchandise. Ayon nga sa ilang panayam, aabot ng P40,000 hanggang P300,000 ang gastos ng isang Filipino swiftie para sa Eras Tour sa Singapore.
Batay sa report ng Bloomberg, inaasahang madadagdagan ng 0.2%, o katumbas ng $225 million, ang gross domestic product (GDP) ng Singapore sa unang quarter ng taon dahil sa Eras Tour.
Ayon naman sa US Travel Association, tinatayang lumagpas na sa $10 billion ang total economic impact ng Eras Tour, kabilang ang indirect spending.
Swiftie ka man o hindi, hindi maikakaila ang positibong epekto ni Taylor Swift sa pandaigdigang ekonomiya.
Ikaw, handa ka bang gumastos nang malaki para sa paborito mong singer?